Sa Antipolo Makikita ang Isang Museo
kung saan ako dinala ng aking mga paa,
latak ng alaalang nililigaw ako
na parang engkanto,
na parang hindi ako tagarito.
Ibig sabihin, Samantha, nandirito na naman ako,
nakatitig sa dibuhong hindi ko maintindihan
kung tungkol ba sa pag-ibig
o disgrasya.
Sa mga panahong tulad nitó
kung saan maalinsangan, ang hangin
at humuhugong ng pagkabagot ang mga sasakyang
nakaparada sa munisipyo,
tila iisa na lang sila.
Wala na rin akong lakas o panahon
para kilalanin ang kanilang pagkakaiba,
para manmanan ko ang bawat hugis at isiping
may ibig sabihin iyon sa akin.
Tulad noong pinagmasdan ko ang kisame
sa silid ng ating hulíng tagpo
at sinabi sa sariling, heto iyon.
Heto ang sining ng lahat ng pagkawalay—
ang anino mong nagsusumiksik sa pantalon,
ang ingit ng pintong ayaw ko sanang magsara.
Ang pangalan mong isinisigaw ng bawat liko’t diretso
ng arkitektura ng gunita. Isang larawan
ang iyong mukha
at ako ang pader na kaniyang sinasabitan.
Notes:
Read the translator's note by Ethan Chua.
Source: Poetry (November 2025)


