Sa Antipolo Walang Estadistika ng Pagpapatiwakal

Tumawa ako nang sabihin ng kaibigan ko na ang kabaliktaran ng ‘laslas’ ay ‘salsal.’ Walang tumawa noong duguan siyang nakita sa kaniyang sariling kuwarto. Bakâ nása masayang lugar na siya ngayon, ngunit iniisip pa rin kitang nagbibihis pagkatapos mo maligo. Alam ko lagi mong nakakaligtaang punasan ang tubig sa pagitan ng iyong mga hita, pero mahal pa rin kita. Minsan naghahanap lang ako ng ebidensiya na buháy pa ako. Halimbawa, ang katawan ko. Kayâ hindi ako hihingi ng tawad kung palagi kitang hinahawakan sa iyong siko at hinahalikan ang sampung dulo ng iyong mga daliri. Ibig sabihin lang noon hindi na naman ako makatulog kagabi. Kagabi, natakot akong mamatay kayâ nanaginip akong binabaliktad ko ang lahat ng bagay sa Antipolo. Sa panaginip ko, damuhan ang mga kalsada. Tahanan ang bawat tindahan sa gilid nitó. Buháy ang aking kaibigan at nagsasalsal siya ngayon sa kaniyang kuwarto. Sa panaginip ko, nása loob ng mga kasoy ang kanilang sariling buto, mahimbing na natutulog sa malambot nitóng puso.

Source: Poetry (November 2025)